Send Money Internationally 24/7

 

Chicka-Chicka With Pam

Claudine, Lilipat sa Siete?

Ano na naman ba itong kumakalat na chika na si Claudine Barretto, na isa sa mga pambato ng ABS-CBN, ay nagbabalak mag-over the bakod dahil sa umano ay gusot sa TV coverage ng kanyang nalalapit na kasal?

Sa darating na March 27 na ang kasal nina Claudine at Raymart Santiago. Ayon sa chika, may problema daw ngayon si Claudine sa ABS-CBN dahil hindi daw kasi napagbigyan ni Claudine ang kahilingan ng Dos na sila ang mag-cover ng kanyang kasal. Dahil daw kasi ang gusto ni Raymart ay ang GMA 7 ang mag-cover ng kanilang kasal.

Dahil dito ay problemado itong si Claudine at para ma-resolve ang isyu ay pinaplano nitong lisanin na lang ang kanyang mother network.

Teka lang, hindi ba’t dati ay nasabi na ni Claudine na ang Dos ang magco-cover ng kanilang kasal ni Raymart? At nasabi pa nga nito na okay lang daw iyon kay Raymart.

Anyway, regarding sa pag-over the bakod ni Claudine, hindi pa ito kino-confirm ni Claudine at ng Siete. Abangan!

Preggy Na Pala Si Aiko

Alam niyo ba mga amiga, nang ikasal itong si Aiko Melendez kay Martin Jickain noong nakaraang buwan ay two months preggy na pala siya. During the wedding ay carry pa rin ni Aiko ang kanyang wedding gown at magandang maganda siya sa kanyang make-up. Hindi mo iisipin na malayo ang agwat ng edad nila ni Martin.

Marami ang dumalo sa kasal nina Aiko at Martin na ginanap sa Fernwood Garden, sa Quezon City. Present ang mga kamag-anak at kaibigan ng dalawa. Abay sina Kris Aquino at James Yap. Sina Cristy Fermin, Ricky Lo, Boy Abunda, Quezon City Mayor Sonny Belmonte at Helen Gamboa-Sotto ang ilan sa mga ninong at ninang.

Hindi dumalo ang ina ni Martin, balita kasi na tutol daw ito sa pagpapakasal ng kanyang anak kay Aiko. Hindi rin sumipot ang ex-husband ni Aiko na si Jomari Yllana, na bagamat inimbitahan ni Aiko ay mas minabuti na lang na magpunta sa beach. Ang half-brother ni Aiko na si Jam Melendez ay hindi inimbitahan kung kaya’t wala ito sa nasabing okasyon. May sama ng loob si Aiko kay Jam dahil puro problema daw kasi ang dala nito kay Aiko.

Anak Ni FPJ, Sumabak na rin sa Showbiz

Ang bunsong anak ng yumaong Fernando Poe Jr. na si Lourdes Verginia Moran Poe, na mas kilala sa pangalang Lovi Poe, ay sumabak na sa mundo ng showbiz. Ang 17-year-old na dalaga ay anak ni FPJ kay Rowena Moran, na nagging leading lady ni Da King sa pelikulang “Isang Dakot na Bigas.” Nang magbuntis si Rowena kay Lovi ay nagtungo ito ng US, kung saan lumaki si Lovi.

May boses itong si Lovi kung kaya’t sa singing siya unang sumabak. Sa katunayan ay may solo album na kaagad itong si Lovi, entitled “The Best of My Heart.” Ayon sa dalaga, sa daddy daw niya namana ang kanyang angking talento sa pagkanta. "Wala na akong maisip pa kung saan ako nagmana sa pagkahilig kong  kumanta at pagkakaroon ng magandang boses, kung hindi sa aking ama," ani ni Lovi. "Natatandaan ko noong bata pa ako ay hilig niya akong pakantahin. Ganado naman ako dahil sobrang magmahal sa akin ang daddy ko. Kinakanta ko ang isa sa paborito niyang song, ang ‘Ikaw.’”

Marami ang nagtanong kay Lovi kung bakit ngayon lang siya pumasok sa showbiz. Ani Lovi, hindi siya pinayagan ni Da King na mag-artista. "Nang nagpapaalam ako sa kanya na papasok ako sa shownbiz, lagi niyang sinasabi na mag-aral muna ako. Saka, na lang daw ko gawin. Napakabata ko pa raw.”

Nagsisimula pa lang si Lovi ay may umiintriga na kaagad sa dalaga. May bulong-bulungan kasi na siya ang gaganap sa role ni Sharon Cuneta sa pelikulang “Dear Heart” kapag naisakatuparan ang planong remake ng nasabing pelikula. Kaso raw may mga tumututol kay Lovi at mas gusto raw ng ilang fans ni Ate Shawie na ang anak nitong si KC Concepcion ang gumanap sa nasabing role.

Ano ba Talaga, Ethel?

May ilang buwan na rin na hiwalay sina Ethel Booba at dati niyang boyfriend na si Alex Crisano, isang Fil-Am na basketbolista. Pero marami pa rin ang nakakakita na magkasama ang dalawa. Ayon kay Ethel, nagkikita pa rin sila paminsan-minsan ni Alex ngunit malabo na raw na magkabalikan pa sila dahil may kanya-kanyang dyowa na raw sila.

Pero ayon kay Alex, hindi raw ito totoo at hanggang sa ngayon ay wala pa raw nahahanap si Ethel na ipapalit sa kanya.

Noong madaling araw ng Valentine’s Day, nagkaroon ng eksena ang dating mag-dyowa sa isang club sa Quezon City. Ayon sa mga nakasaksi, nagkabulyawan daw itong sina Alex at Ethel, na naging dahilan ng pagkairita at pag-alis ng ibang mga customer sa nasabing bar. Dahil sa gulo ay minabuti ng manager ng bar na humingi ng tulong sa pulisya at inimbita si Alex sa presinto.

Ngayon ay nagsisisi si Alex sa gulong kanyang ginawa. Nagawa lang daw niya iyon upang makuha ang pansin ni Ethel. Hmmm, so malinaw na ngayon kung sino talaga sa dalawa ang naghahabol. Ano bang meron itong si Ethel at binabalik-balikan siya ni Alex? May mga chika na ito raw si Ethel ang nagsusustento kay Alex. Totoo na ito, Ate? 

Masyadong Malihim si Tsong

Mukhang talagang open to the public na ang relasyon nina Joey Marquez at Alicia Meyer. Sa nakaraang Celebrity Event ng Nivea na ginanap sa Panglao, Bohol kamakailan ay very obvious ang sweetness nila sa isa’t-isa. Laging magkadikit ang dalawang lovebirds. Hindi man sila nag-pose sa mga photographers na magkasama, pero nakunan pa rin sila ng ilang stolen shots na magka-holding hands at mukhang very sweet to each other.

Last year pa ay umugong na ang balita tungkol sa kanilang relasyon. Deny to death ang dalawa. Subali’t ilang beses silang nakitang nagde-date at minsan ay kasama pa nilang dalawa ang mga anak ni Joey. Minsan nga ay tila si Alicia ang tumatayang mommy ng mga anak ni Joey dahil sa kanyang pag-aruga sa mga ito.

Pero until now ay wala paring confirmation mula sa dalawa kung ano talaga ang real score. Kahit anong kulit ng reporters ay wala pa rin makuhang malinaw na sagot mula sa dalawa. Nang tanungin itong si Alicia kung sila na nga ba ni Tsong, ang maikli niyang sagot ay, “Sana.”

banner

   
   
Home | About Us | Contact Us | Archive | Bookmark Us

2002 All RIghts Reserved. Please read the Terms of Use
Buzzword Media Corporation, Suite 1036, City & Land Mega Plaza
ADB Avenue, Ortigas Center, Pasig City 1605, Metro Manila, Philippines